Loading...
Alt

Kagawian sa Pagrerekrut at Pagkalap ng Paggawa sa Sektor ng Pangagawil (Handlining) ng Tuna sa Pilipinas

Bilang pangunahing seafood export ng Pilipinas, may mahalagang papel ang tuna sa pag-alalay sa ekonomiya ng bansa at sa pagpapanatili sa kabuhayan ng mga pamilya sa maraming komunidad ng mangingisda. Sa tinaguriang “tuna capital” na Lungsod ng General Santos, ang panghuhuli ng tuna ay pangunahing nakasalalay sa handlining o pangangawil, isang maka-kalikasan subali’t matrabahong paraan ng panghuhuli kung saan gumagamit ang mga mangingisda ng mga kawil na may pain sa isang linya ng lubid.

Sa pinakahuling research ng Verité, ang mga tuna handliners o mangangawil ng tuna ay nananatiling pinaka-nanganganib sa lahat ng mga manggagawa sa industriya ng tuna. Sa kabila ng mga pag-unlad sa aspetong ligal sa seafood industry, hindi ito nakikita sa sektor ng mga mangangawil ng tuna. Dagdag rito, ang impormal na katangian at ang kawalan ng regulasyon sa pagrerekrut at pagkalap ng paggawa sa sektor na ito ay nakakaambag sa pagkakalantad ng mga manggagawa sa abuso at di-ligtas at mapagsamantalang kalagayan sa pagtatrabaho.

Ang Verité ay nakapagtukoy ng maraming kagawian o practices sa pagrerekrut at pagtatrabaho na lumalabag sa mga regulasyon sa paggawa at hindi naaayon sa mga pamantayan para sa responsableng pagrerekrut.

Impormal na mga kagawian sa pagrerekrut at mga usapan sa trabaho

Ang mga mangagawil ng tuna (handline fishers) ay karaniwang nirerekrut sa pamamagitan ng personal na referral, kadalasan sa pamamagitan ng mga kamag-anak at kapitbahay, o sa pasahán ng bali-balita. Sa maraming pagkakataon, ang tagapamagitan (middleperson) ay umaaktong kontratista; siyang nangangalap at nagtatalaga ng mga tauhan sa operasyon ng pangangawil. Ang cabo hiring system na ito na kahalintulad ng labor-only contracting, ay laganap sa mga operasyon ng pangingisda ng tuna sa laot at sa mga pasilidad ng pagproposeso ng tuna sa lupa. Sa mga kasong ganito, kadalasang naitatanggi ng mga may-ari ng bangka ang employer-employee na relasyon sa mga manggagawang mangangawil. Sa pananaliksik ng Verité, napag-alaman rin na wala sa mga transaksyon ng mga ito ang naido-dokumento sa kasulatan, na siyang nakadagdag sa pagkakalantad ng mga mangangawil sa iba’t-ibang isyu sa paggawa, kabilang ang pagkawala ng kanilang karapatan sa mga benepisyong inaatas ng estado katulad ng sa health insurance, remittance, government housing, at iba pang programa sa panlipunang seguridad.

Karamihan sa mga opereytor ng pangagawil at may-ari ng bangka na na-interbyu ay hindi tumuturing sa kanilang mga mangingisda bilang empleyado, bagkus mga “partner” sa isang transaksyong nakabatay sa bawat pagpalaot, para anila’y mabigyang-laya ang mga mangingisda na makalipat sa iba’t-ibang bangka. Subali’t, ayon sa karamihan ng mga mangangawil na na-interbyu noong 2016 at 2019, maraming taon na silang nagtatrabaho sa iisang opereytor, samantalang ang iba ay umaabot na nang 15 at 20 taong nagtatrabaho sa iisang kumpanya. Ayon rin sa kanila, habang sila ay nasa pangingisda, sila ay tinuturing at umaakto bilang mga manggagawa na may pananagutan sa may-ari ng bangka.

Panlilinlang tungkol sa katangian at lokasyon ng trabaho

Sa interbyu ng mga tauhan kabilang ang ilang opereytor ng pangagawil, napag-alaman na sa loob ng sub-sektor ng pangagawil, mayroong mga kagawian ang mga may-ari ng bangka na maituturing na mapang-abuso at corrupt – tulad ng sadyang hindi pagtukoy sa klase ng trabaho, tagal ng pagpalaot, at sistema ng sahod. Lahat ng mga na-interbyu ay nagbahagi na hindi naipapaalam sa kanila ang eksaktong lokasyon ng kanilang operasyon at kung gaano sila katagal sa laot. Wala rin silang kontrol sa kung saang lugar pangisdaan sila maitatalaga.

Ang mga kalakarang ganito ay karaniwang nagreresulta sa pagkakasangkot ng mga mangangawil sa iligal na pangingisda sa mga lugar na bawal, kung saan sila nalalagay sa panganib na mahuli ng mga awtoridad at makulong. Ang kakulangan ng maayos na pamamaraan sa pagrerekrut at ang impormal na usapan sa pagtatrabaho sa sektor ng pangangawil ay nagpapahintulot sa mga may-ari ng bangka na iwasan ang responsibilidad tuwing may nangyayaring panghuhuli ng mga dayuhang awtoridad.

Kakulangan ng pormal na dokumentong pagkakilanlan

Karamihan sa mga mangangawil na nainterbyu ay walang kaukulang pormal na pagkakakilanlan (formal identification) o dokumentasyon ng paglalakbay (travel documentation), maging ng sertipikasyon ng kapanganakan (birth certificate). Kaugnay ito ng kakulangan ng mekanismo sa pagpapatunay ng edad o pagkakakilanlan ng manggagawa. Ang kawalan ng mekanismong ito sa pagpapatunay ng edad at pagkakakilanlan sa panahon ng pagrerekrut ay naglalagay sa mga may-ari ng mga operasyon ng pangangawil sa panganib na makapagkalap ng mga di-karapatdapat na manggawa, partikular ng mga manggagawang wala sa hustong edad (underaged workers), at lumabag sa iba pang mga alituntunin sa paggawa. Naglalagay din ito sa mga manggagawa sa panganib na mahuli at makulong sa ibang bansa. Dagdag rito, ang kakulangan ng maayos na dokumentasyon ay pumipigil hindi lamang ng kalayaan ng manggagawa sa pagkilos kundi maging ng kanyang pag-angat ng katayuan sa lipunan. Sa kabila ng kanilang angking kasanayan at karanasan, hindi sila nakakapagtrabaho sa iba pang komersyal na pangingisda o mas pormal na organisadong negosyo.

Kagawian sa sahod at panganib sa pagkakautang 

Ang mga mangangawil ng tuna ay patuloy na binabayaran sa pamamagitan ng sistemang hatian (profit-sharing scheme), na karaniwang nagdudulot ng di-maasahan at di-mahulaang sahod, na lalong nagpapasamantala sa kanila. Ang kita sa pangangawil ng tuna ay lubos na nakasalalay sa laki ng huli, kaya’t sa kalagayang tuloy-tuloy ang pagbaba ng huli, ang mga mangangawil ay lalong naging umaasa sa mga pautang.

Ang mga mangingisda sa lahat ng komunidad ay nagpahayag ng kahirapang mabuhay sa araw-araw. Halos lahat ng mga nainterbyu ay baon sa utang, sa mga lokal na tindahan man o mga supplier, opereytor ng bangka, o mga usurero. Ang kalakaran ng pagpapautang ng cash ng mga may-ari ng bangka sa mga mangingisda na may tubong mula sero (0.0) hanggang dalawampung (20) porsyento ay umiiral pa rin. At dahil ang mga opereytor ng bangka at mangingisda ay karaniwang hindi nakakapagsahod hanggat hindi pa natitimbang, napepresyuhan, at nabebenta ang isda – na isang prosesong umaabot ng tatlong (3) araw o isang (1) buwan – nangyayari ang paghingi ng bale o paunang bayad (cash advance) mula sa may-ari ng bangka, na binabawas sa kanilang magiging sahod.

Ang mas malala, may mga mangagawil na nakakatanggap ng negatibong balanse matapos ibawas ang paunang bayad mula sa kanilang bahagi ng kita. Sa mga pagkakataong ganito, ang mga mangingisda ay karaniwang humihiling muli ng isa pang cash advance mula sa opereytor, kung kaya’t napipilitan na ring sumama sa susunod na pangingisda para mabayaran ang utang.
Sa kalagayan ng isang sektor na napaka-impormal at mahina ang regulasyon, ang siklo ng pagkakautang na ito ay lalong nagpapahirap sa mangingisdang iwanan ang trabaho sa kabila ng kawalan ng nasusulat na kasunduan sa trabaho sa pagitan nila at may-ari ng bangkang pinagtatrabahuan.

Hakbang pasulong (Moving forward)

Marami sa mga isyung nabanggit ay maaaring mapigilan pagkakaroon ng mga pamantayan sa responsableng pagrerekrut ng paggawa (responsible recruitment standards), na lubos na kritikal para sa mga sektor na nagpapatrabaho ng mga mahihirap. Ang pagkakaroon ng isang sistema sa pagrerekrut ng paggawa na walang kaukulang bayad o recuitment fees; pagbibigay ng kumpleto at tamang impormasyon tungkol sa mga karapatan ng mga manggagawa at kalagayan sa trabaho; pagkakaroon ng malinaw na kontrata; pagtanggal sa mga patakarang mapilit at mapanlinlang; pagtitiyak sa kalayaan sa paghihinto ng kontrata; pagbibigay ng daan para sa mga mekanismo ng hinaing, ay makakapigil at makakatugon sa maraming isyu na patuloy na kinakaharap ng mga mangangawil ng tuna.

Ang gobyerno, pribadong sektor at mga NGOs at grupo ng mga manggagawa, lahat ay may papel sa pagtitiyak na ang mga mangangawil ng tuna ay nakakapagtrabaho ng ligtas, dokumentado at protektado, at nakakatanggap ng sahod at benepisyo na karapat-dapat sa kanila bilang mga manggagawa ng bansa.

Para basahin ang English version ang artikulong ito, pumunta dito.